Nine-game winning streak ng Rockets nahinto; Russel humirit uli ng triple double sa Thunder.

HOUSTON (AP) – Sa pagkakataong ito, napisot ang Rockets sa harap nang umaatungal na Wolves.

Ratsada si Andrew Wiggins sa naiskor na 28 puntos, habang kumubra si Karl Anthony Towns ng 23 puntos at 18 rebounds, para sandigan ang 119-105 panalo ng Minnesota Timbewolves laban sa streaking Houston Rockets nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nag-ambag si Shabazz Muhammad ng 20 puntos mula sa bench para sa ikalawang sunod na panalo ng Wolves, habang tinuldukan ang winning streak ng Rockets sa siyam.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumubra si Ricky Rubio ng 17 assist at 10 puntos, at tumipa si Gorgui Dieng ng 10 puntos para sa Wolves.

Nanguna si James Harden sa Houston sa naiskor na 33 puntos, 12 assist at anim na rebound, habang kumana si Ryan Anderson ng limang three-pointer para sa 18 puntos.

BLAZERS 102, CAVALIERS 86

Sa Portland, nagbunyi ang home crowd sa impresibong panalo ng Trail Blazers kontra sa defending NBA champion Cleveland Cavaliers.

Pinangunahan ni Allen Crabbe ang lagablab ng Blazers sa opening quarter tungo sa dominanteng panalo para sa ika-18 sa kabuuang 41 laro.

Nagsalansan si CJ McCollum ng 27 puntos mula sa 11-of-20 shooting, habang kumana si Crabbe ng 24 puntos.

Nakamit ng Cavaliers ang ikalawang sunod na kabiguan matapos madapa laban sa Utah Jazz.

Malamya ang opensa ng Cavs kung saan nalimitahan si LeBron sa 20 puntos mula sa 5-of-12 shooting, habang nakapagtala lang ng 17 puntos si Kevin Love mula sa 5-for-15 at tumipa lamang 11 puntos si Kyrie Irving mula sa 4-of-16 shots.

Hindi naman nakaporma ang bagong miyembro ng Cavs na si Kyle Korver sa naisalpak na 1-for-25 sa three-point.

THUNDER 103, GRIZZLIES 95

Sa Oklahoma, naisalba ni Russel Westbrook ang masamang outside game para maitarak ang ika-18 triple-double ngayong season sa impresibong panalo laban sa Memphis Grizzlies.

Nalimitahan si Westbrook sa 6-of-19 field goal at 0-for-7 sa three-point line, ngunit nakuha pa ring niyang makaiskor ng 24 puntos, 13 rebound at 12 assists para sa career 55th triple-double.

Kumasa rin sina Enes Kanter at Victor Oladipo sa naiskor na 19 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod, sapat para maiganti ang nakahihiyang 114-80 kabiguan a Memphis noong Disyembre.

Hataw si Mike Conley sa naiskor na 22 puntos, habang tumupi sina Zach Randolph at Chandler Parsons na malimitahan sa tig-14 puntos.

CELTICS 117, WIZARDS 108

Tumapos si Isaiah Thomas na may 38 puntos para gabayan ang Boston Celtics laban sa Washington Wizards.

Na-ambag si Jae Crowder ng 20 puntos at kumana si Al Horford ng 16 puntos para sa 24-15 marka ng Boston.

Nanguna si Bradley Beal sa Wizards sa naiskor na 35 puntos.

Samantala, ginapi ng Los Angeles Lakers ang Orlando Magic ang 105-96 sa Staples Center nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila.)