Arestado ang isang barangay tanod habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasama matapos umanong mahuli sa aktong bumabatak ng shabu sa Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ni Police Supt. Igmedio Bernaldez, hepe ng Masambong Police Station 2, ang suspek na si Charlie Medonando, 41, ng No. 24 Pampanga Street, Barangay Sto. Cristo, Quezon City.

Nakatakas naman ang kanyang mga kasama na ang isa ay kinilalang si Virgilio Vitanes, 41, ng Cotabato St., Bgy. Alicia.

Sa inisyal na ulat, dakong 11:00 ng gabi kamakalawa nang isagawa ng mga tauhan ng QCPD-PS 2 ang operasyon sa mismong bahay ni Vitanes.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad dinakip at pinosasan ng mga operatiba sina Medonando at Vitanes nang maaktuhang bumabatak ng shabu sa nasabing bahay na nagsisilbi umanong drug den.

Nakumpiska sa lugar ang mga sachet ng shabu, drug paraphernalia at P1,000 drug money.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas si Medonando at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang pagtugis sa dalawa pang suspek. (Jun Fabon)