LA PAZ, Tarlac - Pansamantalang nakadetine ang isang 51-anyos na ama matapos niyang gulpihin ang kanyang asawa at 15-anyos na anak na dalagita na nagreklamo sa pagkatay niya sa alagang bibe ng mga ito sa Barangay Lomboy, La Paz, Tarlac, nitong Martes ng gabi.
Ang pagmamalupit ni Eugene Pacis ay pormal na idinulog sa pulisya ng kanyang 51-anyos na asawa at dalagitang anak, na nasaktan sa pagmamalupit ng kanilang padre de pamilya.
Batay sa imbestigasyon ni PO2 Carol Almazan, kinatay ni Pacis ang bibe na alaga ng kanyang anak upang may mapulutan sila ng kanyang mga kainuman.
Nang komprontahin ng ginang ang suspek ay nagalit ito, nagwala at sinaktan ang anak. Sa pag-awat ng ginang ay siya naman ang sinaktan ng suspek. (Leandro Alborote)