NSA’s at POC, nilektyuran sa PSC Law 101; Travel allowance ng atletang Pinoy tinaasan.
TAGAYTAY CITY – Kung noon ay sunod-sunuran lamang ang Philippine Sports Commission (PSC) sa hirit ng Philippine Olympic Committee (POC) – hindi na ngayon.
Ramdam ang ipinangakong ‘Change is Coming’ ni Pangulong Duterte sa komunidad ng sports nang basagin ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang matagal nang nakagawian ng POC at mga National Sports Associations (NSA’s) na gawing gatasan ang pamahalaan para patakbuhin ang wala namang direksyon na programa sa kanilang hanay.
Nilinaw ni Ramirez sa isinagawang pakikipagpulong sa mga lider ng NSA kahapon sa Tagaytay Highlands na batay sa PSC Law may karapatan ang ahensiya na suriin ang ginagawang programa ng NSA para maabot ng mga atleta ang kompetitibong antas para makasabay sa international standard.
“Hindi lang namin trabaho ang mag-release ng pondo sa inyo, based on the PSC law may oversight power kami to make sure that the public funds is use properly,” pahayag ni Ramirez.
Batay sa record ng PSC resident Commission on Audit (COA) mahigit P100 milyon ang ‘unliquidated financial assistance’ ng mga NSA at POC.
“What went wrong? Hindi namin trabaho ang manisi at tukuyin kung sino ang nagkamali. But right now, klaro ang mandate namin at ‘yan ang kailangan naming ipasunod,” aniya.
Iginiit ni Ramirez na mananatili ang ‘no liquidation, no financial assistance’ sa mga NSA.
“Para hindi apektado ang training ng mga atleta, gagamitin namin ang policy na ‘direct to the athletes assistance’,” sambit ni Ramirez sa 37 lider ng NSA sa pagpupulong na ayon sa Davao-based sportsman ay unang hakbang para sa tunay na pagbabago sa sports.
Kasama ni Ramirez na nakipagpulong sina Commissioners Ramon Fernandez, Arnold Agustin, Charles Maxey at Celia Kiram.
Nakiisa rin sina PSC Executive Director Atty. Carlo Abarquez, Executive Assistant to the Chairman Ronnel Abrenica at Philippine Sports Institute (PSI) National Training Director Marc Velasco.
Nilinaw din ni Ramirez ang responsibilidad ng ahensiya upang maiwasan ang ‘overlapping’ at pagdoble ng programa.
“Very clear ang mandate namin sa PSC which is to focus on the grassroot sports development and funding,” sabi ni Ramirez. “Huwag na sanang gagalawin itong trabaho ng PSC dahil sa amin ito. Give the job to us. Let us implement what is stated by law. Don’t touch what is stated to us by law,” aniya.
Iginiit din ni Ramirez sa mga NSA’s na iwan ang mga hilaw na atleta at ipadala lamang sa international competition tulad ng SEA Games ang mga may potensyal na manalo sa kompetitibong torneo.
“Huwag na ninyo isama ang mga atleta n’yo na hindi kayang manalo. Yung malaki ang potensyal na manalo yun ang piliin natin,” aniya
“We don’t mind kung magalit sino man ang magalit. Quality over quantity, mas malaki ang tsansa natin na magtagumpay,” sambit ni Ramirez.
Hindi nakadalo si Poc chief Jose Cojuangco sa pulong dahil nakabakasyon pa ito sa Amerika. Sa nakalipas na limang SEAG, sa pangangasiwa ni Cojuangco, bigo ang Team Philippines na makapasok sa Top 5. Noong 2005 Manila edition, nakamit ng Pinoy ang overall championship.
Bilang paraan para mapataas ang morale ng mga atleta, ipinahayag ni Ramirez na itataas ang kanilang travel allowance sa US$50 mula sa US$30 kada araw (Asia), habang US$90 mula sa US$60 kada araw kung sasabak sa torneo sa Europe, America, Australia, New Zeland at Middle East.
Nauna nang ipinahayag ni Ramirez na babaguhin din ang sistema sa monthly allowances ng mga pambansang atleta.
(Angie Oredo)