TARLAC CITY — Isang security guard ang pinatay sa saksak ng kapwa guard sa barracks ng Philippine Twin Star Security Service, Sitio Alto, Barangay Balete, Martes ng umaga.
Kinilala ang pinaslang na si Dionisio de Castro, 52. Ang kanyang nakaaway ay si Mario David, 58.
Sa pahayag ng tatlo nilang kasamahang guard, dumating sa barracks si De Castro mula sa ospital sa Barangay San Miguel kung saan siya nagpagamot ng kanang binti.
Makalipas ang ilang saglit ay bigla na lamang nakarinig ng malakas na kalabog sa kuwartong tinutulugan ni De Castro at nadiskubreng may malalim na saksak sa kaliwang dibdib.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pinaghinalaan ni David si Dionisio na may relasyon sa kanyang asawa.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 14 inches na patalim na pinaniniwalaang ginamit ni David, na nakatakas. (Leandro Alborote)