Isang lalaki, umano’y sangkot sa ilegal na droga, ang napatay matapos umanong manlaban sa mga pulis na umaaresto sa kanya sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center si Venson Venegas, 30, pedicab driver, ng 233 Pastor Street, sa Balut, Tondo, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Ayon kay PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 2:40 ng hapon kamakalawa nang makaengkuwentro ng mga tauhan ng MPD-Station 1, ang suspek sa loob ng isang bahay na matatagpuan sa 2675 Pastor St., sa Balut, Tondo.

Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang mga pulis na isang lalaking sangkot sa illegal drug activity ang matatagpuan sa naturang lugar.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang makumpirma ang ulat, kaagad nagtungo sa lugar ang mga pulis at naaktuhan umanong nagre-repack ng shabu ang suspek.

Nang makatunog ang suspek sa presensiya ng mga pulis, kaagad umano itong kumuha ng baril at nagpaputok.

Dito na nagdesisyon ang mga awtoridad na barilin ang suspek hanggang sa ito’y duguang bumulagta. (Mary Ann Santiago)