bea-at-ian-copy

KAHIT saang anggulo, hindi pa nakikita kay Ian Veneracion na certified 40s na siya. Sa tindig, kisig, at karisma ng dating child actor na unang minahal ng televiewers sa Joey & Son, para siyang nasa 20s lang.

Kaya kahit millennials, guwapung-guwapo rin sa kanya.

Hangang-hanga rin sa kakisigan ni Ian ang kanyang dalawang leading lady sa A Love To Last na sina Bea Alonzo at Iza Calzado. Kahit madalas siyang binibiro nina Bea at Iza, aminado ang dalawa na habang nagkakaedad ay lalong nadagdagan ang “sex appeal” ni Ian Veneracion.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

“Tatang” ang pabirong tawag ni Bea kay Ian pero hindi itinatago ng aktres ang paghanga sa kaguwapuhan ng kanyang leading man.

Tawa naman nang tawa ang aktor sa jokes sa kanya ng mga leading lady niya. Sanay na siya lalo na kay Iza na ilang beses na rin naman niyang nakasama sa projects.

“Kabisado na namin ang isa’t isa ni Iza. Magkatinginan lang kami, eh, alam ko na agad kung ano ang sasabihin niya sa akin. Pero si Bea, eh, ngayon ko lang nakasama,” lahad ni Ian.

Sa Germany pa kinunan ang unang eksena nila ni Bea para sa kanilang serye at doon daw ay panay ang alaskahan nila.

Aminado ang actor na aliw na aliw siya sa pagiging alaskadora ni Bea. Gusto niya ang mga pang-aalaska sa kanya ni Bea dahil lalong napalagay ang loob nila sa isa’t isa habang nagtatrabaho sila.

“Kasi, kapag biniro ka ng isang tao, o ‘yung kasamahan sa trabaho, eh, isa lang ang ibig sabihin noon, p’wede mo rin silang biruin, kaya ‘yun kami ngayon ni Bea,” sey ni Ian.

Kahit panay ang biruan nila ni Bea sa set, hindi naman daw nagkakaproblema sa kanila ang mga staff, crew at co-stars sa set. Dahil pagdating ng takes, focused agad sila sa ginampanan nilang character.

“Sana hindi lang sa serye kami magkasama ni Bea, sana sa susunod, eh, sa pelikula naman,“ nakangiting sabi ni Ian.

Nakatakdang umere ang A Love To Last sa Channel 2 sa unang linggo ng Enero, 2017. (JIMI ESCALA)