NAKOPO ng tambalan nina Anton Cayanan at Philip Joper Escueta ng Philippine Badminton Association (PBA) Smash Pilipinas ang men’s doubles event ng Smart National Open Badminton Tournament kamakailan sa Vista Mall sa Taguig City.

Ginapi ng national team mainstay, sa pangangasiwa ni Indonesian coach Paulus Firman, ang kasanggang sina Ronel Estanislao at Paul Jefferson Vivas, 21-12, 24-22, para maisubi ang men’s doubles open title.

Naunang pinabagsak nina Cayanan at Escueta sina National University’s Mike Minuluan at Alem Palmares, 21-15, 21-11, sa semifinals, habang nanaig sina Estanislao at Vivas kontra national player Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada, 25-23, 25-15.

Sa women’s doubles open finals, namayani ang tambalan nina Alyssa Ysabel Leonardo at Thea Marie Pomar kontra kina Bianca Carlos at Chanelle Lunod, 21-17, 17-21, 21-16, sa championship match ng torneo na suportado ni PBA Chairman at Smart Telecommunication Chairman Manny V. Pangilinan.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Winalis nina Leonardo at Pomar, pawang miyembro ng PH Team, sina Gelita Castilo at Eleanor Inlayo ng University of the Philippines, 21-12, 21-11, sa semifinals, habang kinaldag nina Carlos at Lunod ng Ateneo De Manila University sina Joella De Vera at Aires Amor Montilla, 17-21, 23-21, 21-17, para maisaayos ang final duel.

Nakamit ni Malaysian Shazwn Shakrul ang men’s open singles championship kontra Rabie Jayson Oba-ob, 21-13, 21-19, habang nanaig si Bianca Carlos kay Mariya Anghela Sevilla, 21-15, 21-16, para sa women’s singles open trophy.

Kampeon sa mixed doubles finals sina John Paul Pantig at Francesca Bermejo kontra Carlo Remo at Chanelle Lunod, 17-21, 21-16, 21-14.