Hindi ibebenta ng pamahalaang lungsod ng Manila ang makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex.
Ito ang kasiguruhang nakuha sa pagpupulong ng mga opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC) at pamahalaang panglungsod hingil sa kahihinatnan ng premyadong sports complex sa bansa.
“We’re not selling the lot,” pahayag ni Jose Alberto Flaminiano mula sa Commission on Audit (COA).
Kasama ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez sa pulong si Ms. Kim Uy, kinatawan ng Office of the Executive Secretary Salvador Medialdea at PSC Commissioner Celia Kiram.
Napag-alaman mismo kay Flaminiano na nasa kapangyarihan ng Lungsod ng Maynila ang titulo at mga dokumento na nagpapatunay sa pagmamay-ari ng lupang kinatitirikan ng Rizal Memorial Sports Complex at mahigit sa 15 pasilidad na track oval, diving at swimming pool, baseball field, gymnastics at mismong building ng PSC.
Hinihintay pa rin ang opinyon sa usapin ng Department of Justice.
Itinayo ang RMSC nong 1934 para i-host ang Far Eastern Games.
Kinakailangan din ang approval mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa paglilipat ng karapatan sa lupain.
Samantala, sinabi ni Ramirez na lubhang matatagalan pa ang plano hinggil sa inaasam na pagbabago sa lupain na naging bahay sa makasaysayang aktibidad ng mga pambansang atleta at maging sa mga kinikilalang personahe sa buong mundo.
“We have facilities in Ultra pero ang lupa ay pag-aari ng DepEd and we have the Rizal Memorial pero nasa pag-aari naman ng Manila. Mas maganda sana na mayroon tayong isang sports complex na nakatayo mismo at nasa titulo ng gobyerno,” sabi ni Ramirez.
Kung masusunod ang plano, umaasa si Ramirez na maitayo ang bagong sports complex sa mahigit 100-ektarya na lupain na nasa loob ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) kung saan ang 50 ektarya ay para sa pasilidad habang ang 50 ektarya ay para tirahan at komunidad ng mga atleta at coach. (Angie Oredo)