IKINASA na ng Kongreso ang pagtataas ng excise tax para sa mga bagong sasakyan at ito ay inaasahang ipatutupad ng gobyerno sa 2018.
Puntirya ng mga “honorable” congressman ang mabawasan ang mga sasakyan na bumibiyahe sa lansangan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang siyudad sa bansa na nakararanas na rin ng matinding trapiko.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mga ikinakasang suliranin ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) upang maibsan ang traffic sa Metro Manila.
Sobra na! Tama na! Tigilan na! Ito’y ayon sa ating magagaling na mambabatas.
Sa pagtaas ng buwis sa pagbili ng mga bagong sasakyan, unang tatamaan dito ang mga ordinaryong mamamayan na umaasa sa hulugan upang makatakim lang ng bagong tsikot.
Dahil sa kakulangan ng pampublikong sasakyan, kayod-marino ang mga ordinaryong Pinoy upang makabili ng kotse at hindi na muling maglakad nang paluhod sa kalsada tuwing naghihintay ng masasakyan.
At ngayong kulang pa rin ang mass transport system at public utility vehicles, ang mamamayan pa rin ang gigipitin ng gobyerno upang masolusyunan ang isang malaking problema na alam naman ng lahat na sila rin ang dapat sisihin.
Sa halip na ginagamit sa pagpapatayo ng karagdagang mass transport system, tulad ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), sa bulsa ng mga “honorable” congressman napupunta ang malaking pondo ng gobyerno dahil sa naglalakihan nilang suweldo at allowance.
Mahiya naman kayo!
Marahil hindi batid ng ating mga “honorable” congressman na marami nang mga sasakyan, na bagong modelo, ang hinahatak na ng mga bangko dahil sa kabiguan ng may-ari na bayaran ang monthly amortization.
Subukan n’yong sumilip sa auction at makikita n’yong halos bago ang mga ibinebentang sasakyan dahil ang mga ito ay hinatak ng mga bangko.
Nagkikintaban at ang gagara. Iba’t ibang modelo ang inyong masisilayan sa mga auto auction at talaga namang nakapaglalaway.
Ayon sa mga auctioneer, karamihan sa mga hinatak na sasakyan ay mula sa may-ari ng mga app-based taxi service tulad ng Uber at Grab. Dahil sa matinding trapiko, nahihirapan na silang maabot ang boundary.
Dahil maraming empleyado ang sanay na nakaupo sa opisina ng walong oras, marami sa kanila ang hindi na kayang tiisin na maipit sa trapiko nang mahabang oras.
Mag-isip sana muna kayo, mga “honorable” congressman, bago kayo magpatupad ng bagong buwis.
Alamin n’yo muna ang tunay na kalagayan ng mga ordinaryong tao bago kayo magmagaling.
Wala kayong pagbabago! (ARIS R. ILAGAN)