Napatay ang isang lalaki na umano’y nakipagbarilan sa mga pulis, habang pitong katao naman, kabilang ang tatlong menor de edad ang naaresto sa drug operation sa Caloocan City, nitong Biyernes ng gabi.
Dead on the spot si Ronnie Arroyo, 37, ng PNR Compound, Samson Road, Barangay 173, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kalaboso naman si Alvin Pineda, 47, ng Tulya Alley, Dagat-Dagatan; at ang magpipinsang Ronald Lapue, 47; Adrian Lapue, 25; at Gerald Lapue, 20, pawang taga-Libis Orcana Street.
Sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman dinala ang tatlong menor de edad na kasamang naaresto.
Ayon sa report, dakong 11:00 ng gabi nang nagsagawa ng drug operation ang mga tauhan ng Caloocan Police Anti-Illegal Drugs sa Libis Oscano Street sa Bgy. 20.
Napansin ng grupo ni Arroyo ang mga pulis at nagpulasan ng takbo ang mga ito sa magkakahiwalay na direksiyon.
Pumasok sa ibang bahay si Arroyo doon nakorner hanggang nagkaroon umano ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng una at pagdakip sa pito pa. (Orly L. Barcala)