DALAGUETE, Cebu – Dahil sa mainitang pakikipagtalo sa kanyang asawa, isang lalaki ang pinagsasaksak at ginilitan ang kanyang misis, gayundin ang kanyang kapatid na babae, sa Barangay Lanao sa Dalaguete, kahapon ng madaling araw.
Tinangka rin umanong patayin ni Jose Benjie Beldad, 39, ang 12-anyos niyang anak na lalaki ngunit masuwerteng nakatakbo ang binatilyo, na nagtamo ng mga saksak sa magkabilang braso.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Dalaguete Police, naging matindi ang pagtatalo ni Jose at ng asawa niyang si Wilma Beldad sa loob ng kanilang bahay pasado 3:00 ng umaga kahapon.
Nang marinig ang kaguluhan, kaagad na nagpasaklolo sa pulisya si Antonio Sabarita, bayaw at kapitbahay ni Jose.
Hindi batid ni Antonio na nang mga oras na iyon ay ginilitan na ni Jose ang sariling asawa.
Matapos malamang nagsumbong sa pulisya si Antonio, pinasok umano ng suspek ang bahay nito at pinagsasaksak ang kapatid niyang si Amalia Sabarita, na misis ni Antonio.
Tinangka rin umano ng suspek na saksakin ang isa sa mga nagrespondeng pulis kaya binaril siya ng isa sa mga ito.
Sa ospital na binawian ng buhay ang suspek dahil sa isang tama ng bala ng baril sa tiyan.
Ayon sa pulisya, kilalang adik sa kanilang lugar si Jose, na unti-unti na rin umanong nawawala sa katinuan.
(MARS W. MOSQUEDA JR.)