frayna-copy

Pag-TNT ng ilang chess player sa US, dahilan sa paghihigpit ng US Embassy sa pagbibigay ng visa; GM Frayna ‘di nakalusot.

Bigong makalahok si Women Grandmaster Janelle Mae Frayna sa prestihiyosong Women’s Chess Circuit nang mabigong makakuha ng visa sa US Embassy.

Ayon kay National Chess Federation of the Philippines (NCFP) Executive Director at Grandmaster Jayson Gonzales ginawa ng asosasyon ang lahat para maibigay ang kailangang dokumento na susporta sa visa application ni Frayna, ngunit naging mahigpit ang embahada dulot na rin ng masamang record na kasalukuyang kinakaharap ng mga Pinoy chess player.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“We were so saddened with this fiasco,” pahayag ni Gonzales matapos ang pakikipag-usap sa ilang opisyal ng US Embassy kung saan ipinaliwanag sa kanya ang negatibong dulot nang ilang insidente ng TNT ng mga atletang Pinoy sa US.

“Maybe someone went to US but did not come back, worst is that he or they used the chess federation and we were affected by this kind of treatment,” sambit ni Gonzales.

Walang pangalan na tinukoy si Gonzales, ngunit sa record hindi na nagbalik sa bansa at ngayo’y miyembro ng US Chess Team si GM Wesley So.

Bukas na libro rin ang pananatili sa US nina GM Mark Paragua, Rogelio Barcenilla at Julio Catalino Sadorra.

Maagang nagsumite ng aplikasyon ang Psychology cum laude candidate sa Far Eastern University na si Frayna para makakuha ng visa upang makalahok sa Philadelphia Open sa Nobyembre 24-30, subalit na-deny ito.

“Nakakapanghinayang ang pagkakataon at sayang din ang panahon. Parang natapakan pa ang pagkatao ko dahil sa mga sinabi sa akin sa US Embassy,” himutok ni Frayna.

Mula sa Philadelphia, lalahok din si Frayna sa New York Open at Nevada Chess Open – torneo na eksklusibo lamang para sa mga may ranking na WGM.

“Hindi naman ako na-deny sa ibang bansa at nakakuha na ako ng visa sa Norway, Turkey at India bago na lamang dito sa US na parang nakatutok sila sa mga chess player,” sambit ni Frayna.

“Kumpleto naman ang dokumento ni Janelle but napapailing iyong US Consul noong makausap ko at nalaman niya na mga chess players kami. May mga sinabi pa siya about doon sa ibang chess players na marahil parte sa pagka-deny sa application ng mga chess players,” paliwanag pa ni Gonzales. (Angie Oredo)