Nakabawi ang College of St.Benilde sa unang kabiguang nalasap sa kamay ng defending men’s champion University of Perletual Help makaraang walisin ang Letran,25-19, 25-13, 26-24 kahapon sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Muling nanguna para sa Blazers ang beteranong hitter na si Johnvic de Guzman na tumapos na may 15 puntos, 14 dito at galing sa hit habang nag- ambag naman ang mga kakamping sina Isiah Oneal Arda at Owen Bacani ng 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa kabilang dako, namuno naman sa Knights na bumaba sa patas na barahang 1-1, si Bobby Gatdula na may 12 puntos.

Dominado ng Blazers ang laro sa naitalang 41-27 sa hit, 6-2 sa block at 7-3 sa aces.

Volleyball fans may bagong aabangan sa PVL!

Nauna rito, ginapi ng Letran Squires ang CSB- La Salle Green hills, 25-16. 25-19, 25-19.

Umiskor ng 12 puntos si Josh del Rosario upang pangunahan ang Squires sa unang panalo matapos mabigo sa Lyceum sa una nilang laro.

Ang kabiguan ang ikalawang sunod naman para sa Junior Blazers na pinamunuan ni Carlos de los Reyes na may walong puntos. (Marivic Awitan)