untitled-1-copy

Ex-POC bigwig, umayuda laban kay ‘Peping’

Mabisang paraan ang Temporary Restraining Order (TRO) para mapigilan ang grupo ni Jose ‘Peping’ Cojuangco na patuloy na pagharian ang Philippine Olympic Committee (POC).

Ngunit, para kay Go Teng Kok, panandalian lamang ang tagumpay sa TRO.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

‘Parang band-aid treatment. Natagpan mo ang sugat, pero hindi ka sigurado kung kailan gagaling,” pahayag ng kontrobersiyal na dating athletics president.

Ito ang makahulugang mensahe ni Go sa kanyang pakikipagpulong kay Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) president Ricky Vargas nitong Huwebes sa Anabel’s sa Quezon City.

Kasama ang kanyang legal team at si SBP secretary general Sonny Barrios, huminge ng ayuda si Vargas kay Go para sa planong paghahain ng TRO para mapigilan ang POC election sa Nobyembre 25.

Matatandaang diniskwalipika ng election committee ng POC – binubuo ng mga opisyal na pinili ni Cojuangco, sa pangunguna ni dating IOc representative to the Philippines Frank Elizalde – si Vargas hingil sa isyu ng pagiging ‘inactive’ member ng POC general assembly.

Ayon sa POC Comelec, hindi sapat ang attendance ni Vargas sa general assembly meeting na siya umanong istriktong panuntunan para sa nagnanais na tumakbong pangulo ng POC.

Kinondena ni Vargas ang naturang panuntunan at iginiit ng kanyang legal counsel na si dating PBA commissioner Chito Salud na hindi malinaw ang nais ipabatid ng salitang ‘inactive’.

“Isa sa pinakaorganisado at matagumpay na national sports association ang boxing sa pamumuno ni Mr. Vargas.

Consistent ang pagwawagi ng medalya ng mga Pinoy boxers sa international arena. So ang ibig sabihin ba nito, hindi performance ang kailangan para maging active member? Kailangan lang umattend ka ng POC meeting sapat na. Malabo ‘yan,” pahayag ni Salud.

Iginiit ni Go hokus-pokus na ang ginagawa ni Cojuangco para manatili sa poder ng POC, ngunit kahit ano ang kanyang gawin, hindi niya matitinag ang desisyon ng ‘majority’.

“The name of the game here is numbers. Kung ayaw ng majority, walang magagawa si Peping,” pahayag ni Go.

“There is a better way to stop Cojuangco other than TRO. Involved all NSA, convened them and put in writing their disgust against the present leadership. Hindi na matatakot ni Peping ang mga NSA’ head, wala na siyang kakampi sa PSC na puwedeng mag-deny sa kanilang financial request,” sambit ni Go.

Sinibak na sa PSC si Richie Garcia, ang pakner ni Cojuangco, at pinalitan ni William ‘Butch’ Ramirez, na naghahanda na para sampahan ng kaso ang dalawang opisyal bunsod sa pagkakatuklas na P129 milyon na unliquidated financial assistance ng PSC sa POC.

“The majority successfully impeached then POC head Cristy Ramos. The same NSA’s group booted out Cito Dayrit and with my help elected Cojuangco to presidency which I realized the biggest mistake in my life,” pahayag ni Go.

Ayon kay Go, inihain niya kay Vargas ang lahat ng kailangan pagkilos at pamamaraan maliban sa TRO para mapigilan ang paghahangad ni Cojuangco na manatiling pangulo ng POC sa susunod na apat na taon.

“You have your way (TRO) but it’s too risky. Puwede tayong masuspinde ng International Olympic Committee (IOC). I presented my way, It’s up to Mr. Vargas to decide,” sambit ni Go. (EDWIN ROLLON)