ZARAGOZA, Nueva Ecija - Wala nang patawad ang naglipanang kawatan at maging ang simbahan ng Jehova’s Witnesses sa bayang ito ay nilooban ng mga hindi nakilalang suspek nitong Miyerkules ng hapon.
Bukod sa P2,000 na laman ng donation box, tinangay din sa simbahan ang malaking flat screen television monitor na nagkakahalaga ng P16,000.
Sa ulat na nakarating kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, hindi namalayan ng caretaker ang panloloob sa Kingdom Hall sa Barangay San Isidro.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Rodelio Gutierrez, dakong 5:40 ng hapon nang natuklasan ni Elder Milehzedes Rasquero, 37, coordinator ng simbahan, at taga-Bgy. Sta. Lucia Young, ang nakawan. (Light A. Nolasco)