CALAMBA CITY, Laguna – Dalawang hinihinalang sangkot sa droga ang napatay habang walong iba pa ang naaresto at nasa 80 gramo ng shabu, ilang baril at pampasabog ang nakumpiska sa magkakasabay na one-time-big-time (OTBT) operation ng mga awtoridad sa Barangay Parian sa lungsod na ito, nitong Miyerkules.
Kinilala ni Senior Supt. Joel C. Pernito, director ng Laguna Police Provincial Office (PPO), ang mga napatay na sina Danilo N. Pisigan, 31; at Laurino B. Matanguihan, alyas Nonoy, kapwa residente sa lugar.
Sinabi ni Pernito na nanlaban si Matanguihan sa pagdakip sa bisa ng warrant, habang sa buy-bust naman ito napaslang si Pisigan.
Naaresto rin sa operasyon ang kinakasama ni Pisigan na si Arriane Garcia, 30, ng Sitio Ilaya, Bgy. Parian, ayon kay Senior Insp. Gerry Sangalang, information officer ng Laguna PPO.
Tinaya ng pulisya sa P400,000 ang halaga ng nakumpiskang shabu, na kasama ring nasamsam ang isang granada, dalawang .45 caliber pistol, isang sumpak, isang bala ng .22 caliber, limang bala ng Magnum .22, isang bala ng shotgun, at shabu paraphernalia, ayon kay Pernito. (Danny J. Estacio)