Apat na saksak ang ibinaon ng isang estranghero sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng isang helper habang naglalakad ang huli sa harap ng isang mall sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ginagamot pa sa ospital si Anthony Laysico, 32, helper, ng Dagupan Street, Tondo, matapos na pagsasaksakin sa dibdib at likod ng hindi nakilalang suspek.

Bigo naman ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, na nakatakas matapos ang krimen.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Reynaldo Ferrer, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nabatid na dakong 1:00 ng umaga at naglalakad ang biktima sa harap ng Tutuban Mall sa Claro M. Recto Avenue nang bigla siyang lapitan at pagsasaksakin ng suspek.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Kahit sugatan ay nagtatakbo ang biktima upang makatakas mula sa suspek, at isinugod sa pagamutan ng pedicab driver na si Romeo Mojica.

Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo nito.

(Mary Ann Santiago)