Nagkabutas-butas ang tiyan ng isang lalaki nang baunan ng mga bala ng kanyang kaaway sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang nagpapagamot sa ospital si Florencio dela Cruz, 44, ng 128 Vitas, Tondo, Maynila, na sakop ng Barangay 128.
Isang alyas ”Jan-jan”, na umano’y kaalitan ng biktima, ang itinuturong suspek sa pamamaril.
Sa ulat ni Police chief Insp. Robinson Maranion, ng Manila Police District (MPD)-Station 1, nabatid na dakong 7:20 ng gabi nangyari ang krimen sa harapan mismo ng tahanan ng biktima.
Sa salaysay ng security guard na si Jhonie Esguerra ng Aleson Shipping lines, sinabi niya na nakarinig siya ng mga putok ng baril at maya-maya pa’y nakita na lang niya ang biktima na sugatan at humihingi ng tulong.
Ayon naman sa biktima, isang alyas Jan-jan na dati umano niyang kaaaway ang bumaril sa kanya.
Tinutugis na ng mga pulis ang suspek upang panagutin sa krimen. (Mary Ann Santiago)