Tuluyan nang naglaho ang pangarap ng isang barangay kagawad na maging punong barangay makaraang pasukin ng limang armado ang kanyang bahay at siya’y pagbabarilin sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Alberto Cleopas, 60, ng No. 162 Apolinario Mabini Alley, Barangay 18 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng .45 caliber sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Edgar Manapat ng Station Investigation Division (SID), dakong 2:30 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Ayon kay Teresita Cleopas, kapatid ng biktima, sila’y nahihimbing nang puwersahang pumasok ang mga salarin sa pamamagitan ng pagsira sa pintuan.
Nang makita umano ng mga suspek si Alberto ay walang patumpik-tumpik nila itong pinagbabaril hanggang sa mamatay.
“Lahat po kami nagising kasi ang lakas ng kalabog ng pinto, tapos puro putok ng baril na lang ang aming narinig,” sambit ni Teresita.
Hinala ng pamilya ni Alberto, posibleng may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang dahil aktibo ang biktima sa paglaban sa ilegal na droga sa kanilang barangay. (Orly L. Barcala)