Sisimulan ng De La Salle ang kampanya para sa back-to-back women’s championship sa pagpalo ng UAAP Season 79 beach volleyball tournament ngayon sa Sands SM By The Bay.

Makakaharap ng Lady Spikers tandem nina Desiree Cheng at Tin Tiamzon ang tambalan nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng Far Eastern University – rematch ng nakalipas na finals – ganap na 8:00 ng umaga, habang makakaharap ang tambalan nina Diana Carlos at Arielle Estrañero ng University of the Philippines sa 12 ng tanghali.

Target nina Cheng at Tiamzon na mapantayan ang tagumpay ng kasanggang sina Kim Fajardo at Cyd Demecillo, nagbigay sa La Salle ng unang kampeonato sa sand court sa nakalipas na season .

Inilagay si Fajardo, Season 78 MVP, bilang alternate player.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Inaasahang mapapalaban ng todo ang Lady Spikers sa Lady Tamaraws na nagpamalas ng matikas na kampanya sa nakalipas na mga torneo kabilang ang Mighty Sports Challenge sa Cantada Sports Center.

Puntiryan naman nina Cherry Rondina at Jem Gutierrez na muling maitaas sa pedestal ang 2014 champion University of Santo Tomas, habang ang tambalan nina Michelle Morente at Ria Lo ang panlaban ng Ateneo.

Magtutuos ang Ateneo at UST sa 8:30 ng umaga, kasunod na tunggalian ng UP-Adamson University sa 9:00 ng umaga at National University kontra University of the East sa 9:30 ng umaga. (Marivic Awitan)