KAPANALIG, ang ating bansa ngayon ay nasa gitna ng masidhing kalituhan at gulo. Kabi-kabila ang patayan at bangayan.

Tila kahit saan ka magpunta, hahabulin ka pa rin ng nakakadismayang mga balita ukol sa pulitika at maging sa kabuuan ng ating lipunan.

Ang nakakalungkot dito kapanalig, habang umuulan ng mura sa broadcast at social media, marami sa ating mga kababayan ang hindi man lamang mabulalas ang salitang “saklolo” dahil sa kahirapan. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang subsistence incidence sa ating mga Pilipino o ang proporsyon sa ating kabuuang populasyon ng mga Pilipino na kahit pagkain ay hindi makayang bilhin ay 12.1 percent sa unang anim na buwan ng 2015. Kahit pa tumaas na ito sa datos noong 2012 mula 13.4 percent, marami pa rin ito. Katumbas ito ng 12.1 milyong Pilipino na namumuhay na gapos ng extreme poverty. Sa unang anim na buwan ng 2015, ang isang pamilyang may limang miyembro ay kailangan ng P6,365 kada buwan upang makabili ng pagkain, pagkain lamang at wala nang iba, upang mabuhay.

Ayon pa rin sa PSA, noong Enero 2015, ang poverty incidence sa ating bansa ay nasa 26.3 porsiyento. Mas mababa ito kaysa noong Enero 2012 na ang poverty incidence ay 27.9%. Ang poverty incidence, kapanalig, ay proporsyon naman sa kabuuan ng ating populasyon na nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold. Noong unang anim na buwan ng 2015, kailangan ng isang pamilyang Pilipino ng P9,140 kada buwan upang makabili ito ng pagkain para sa araw-araw at ng iba pa niyang kailangan upang mamuhay nang marangal.

Milyun-milyong Pilipino, kapanalig, ang namumuhay sa karalitaan. Milyun-milyong Pilipino ang hirap makabili kahit pagkain man lamang sa araw-araw. Hindi ba’t sila rin ay dapat pag-ukulan ng pansin?

Ang kahirapan ay isang bukas na pintuan para sa kaliwa’t kanang uri ng temptasyon at krimen, kasama na ang droga.

Makikita natin ito sa sitwasyon ng mga batang lansangan, na napipilitang manatili sa kalye upang magtrabaho o di kaya’y lumayas sa bahay dahil sa kaguluhan o gutom na bunga rin ng kahirapan. Kung hindi matutulungan ang maralitang pamilyang Pilipino, ang siklo ng kahirapan ay iikot lamang sa papalit-palit na henerasyon.

Buksan natin ang ating mga mata. Ang kahirapan ay isa mga pangunahing rason ng tahi-tahing problema ng ating lipunan ngayon.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)