“NANINIWALA ako na may gustong magpabagsak sa Pangulo,” wika ni Sen. Tito Sotto. Inakusahan naman ni Sen. Allan Cayetano na ikinakasa na ng Liberal Party (LP) ang “Plan B” para patalsikin sa puwesto ang Pangulo. Ang pagpapalutang aniya ng Committee on Justice and Human Rights kay Edgar Matobato ay bahagi ng plano.

Si Matobato ay tumestigo sa hearing ng nasabing committee noong Huwebes. Sa pagtatanong ni Chairperson Leila de Lima, sinabi niya na kinuha siya ni Pangulong Digong, nang ito’y maging alkalde ng Davao noong 1988, bilang miyembro ng “Lambada Boys”. Grupo raw ito ng mamamatay-tao na nakapatay ng mahigit isang libong tao sa loob ng 20 taon.

Naging Davao Death Squad (DDS) daw ito nang lumaon na binubuo ng mga pulis at dating rebeldeng komunista. “Ang aming trabaho,” sabi niya, “ay patayin ang mga kriminal gaya ng drug pusher, rapist at snatcher.” Halos araw-araw daw ay pumapatay sila ng tao. Noong panahong siya ay nasa grupo, naririnig niyang iniutos ni Pangulong Duterte, alkalde pa noong panahong iyon, ang ilan sa mga nangyaring pagpatay.

Pero, ang Pangulo raw mismo ang pumatay kay NBI agent Vicente Amisola sa Davao noong 2007. Ang naging kasalanan nito ay naistorbo niya ng kanyang nakahambalang na kotse ang misyon ng death squad. Nagresulta ito ng barilan sa pagitan ng NBI agent at miyembro ng death squad.

Nang maubusan ng bala ang ahente, siya namang pagdating ng Pangulo at inubos dito ang dalawang magazine ng kanyang uzi.

Bagamat naniniwala si Sen. Sotto na may nais magpabagsak sa Pangulo, hindi naman niya binanggit kung sino ito. Kung ang LP lang, na siyang inaakusahan ni Sen. Cayetano, ang gagawa nito, magdadaan ito sa butas ng karayom. Nagsilipatan na nga ang karamihan sa mga kasapi nito sa partido ng Pangulo na PDP-LABAN. Mangilan-ngilan na lang ang liberal sa mababang kapulungan ng Kongreso kung saan dito muna isasampa ang anumang impeachment proceeding laban sa Pangulo.

Pero, baka may nakikita si Cayetano sa likod ng LP. May reaksiyon kaagad ang Amerika pagkatapos magsalita ni Matobato na inihayag ni deputy spokesperson Mark Toner ng US state department.

Grabe raw ang mga alegasyon nito at seryoso nilang isinasaalang-alang ang mga ito para paimbestigahan.