Patay ang isang hindi kilalang babae, habang kritikal naman ang kasama niyang lalaki, matapos pagbabarilin ng mga armado sa madilim na bahagi ng kalsada sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot ang babae na tinatayang nasa edad 25-30, payat, nakasuot ng asul na t-shirt, maong shorts at may sling bag, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.

Isinugod naman sa Las Piñas General Hospital ang kasama niyang lalaki, nakasuot ng asul na sando at itim na shorts, may tattoo na “Dodong” sa kanang tadyang at nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO) chief Sr. Supt. Jenny Tecson kay Parañaque City Police chief Sr. Supt. Jose Carumba, dakong 12:45 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Wales St. at Levitown Betterliving Subdivision, Bgy. Don Bosco.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sa pahayag sa pulisya ng isang guwardiya na hindi nagpabanggit ng pangalan, bago ang insidente ay namataan umano niya ang isang kotse na walang plaka at ibinaba ang dalawang biktima sa nasabing lugar bago pinagbabaril.

Dahil dito ay humingi na umano ng tulong ang guwardiya sa Don Bosco rescue team at isinugod ang lalaking biktima sa pagamutan.

Hirap namang kilalanin ng pulisya ang mga biktima dahil walang nakuhang identification (ID) sa dalawa.

(Bella Gamotea)