Itinakda kahapon ang pag-uusap nina Pangulong Duterte at Indonesian President Joko Widodo kaugnay ng dalawang-araw na working visit ng una sa Indonesia.

Bago ang pulong kay Widodo, hinarap muna ni Duterte ang mga miyembro ng Filipino community sa Jakarta, sa isang tanghalian sa Shangri-la Hotel.

Pagsapit ng hapon, dumalo naman siya sa wreath-laying ceremony sa Kalibata National Heroes Cemetery ng Indonesian military, kung saan nakahimlay ang mahigit 7,000 sundalo.

Nakatakda rin niyang bisitahin ang Tanah Abang market, isang subdistrict sa Central Jakarta na kilala bilang pinakamalaking pamilihan ng tela sa buong Southeast Asia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dakong 4:00 ng hapon naman itinakda ang pagbibigay ng arrival honors kay Pangulong Duterte sa Istana Merdeka, isa sa anim na presidential palace sa Indonesia, at opisyal na tahanan ng Indonesian president. Sa nasabing lugar mag-uusap sina Duterte at Widodo, at inaasahang makikiusap ang una sa kanyang Indonesian counterpart upang mailigtas sa death row ang overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso.

Matapos maghapunan sa Dining Hall ng Istana Negara, magtutungo naman ang delegasyon ni Pangulong Duterte sa Halim Perdenakusuma International Airport para sa biyahe ng pangulo pabalik sa Davao City. (PNA)