Pinagbabaril at napatay ng mga pulis ang isang lalaki na kilala sa tawag na “Demonyo”, habang nakatakas naman ang kasamahan niya, sa ikinasang buy-bust operation sa harapan ng Rizal Memorial Stadium sa Malate, Manila, nitong Linggo ng gabi.

Anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Demonyo, miyembro ng Sputnik Gang, tinatayang nasa 44-47 ang edad, may taas na 5’6”, may tattoo sa kanang paa at sa kanang braso at nakasuot ng berdeng t-shirt, berdeng shorts at tsinelas.

Sa imbestigasyon ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:20 ng gabi ikinasa ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID-SOTU) ng MPD-Station 9, sa pangunguna ni Police Sr. Insp. Fernildo de Castro, ang buy-bust operation, sa harapan ng Rizal Memorial Stadium na matatagpuan sa Adriatico Street, kanto ng P. Ocampo St., Malate, Manila.

Tumayong poseur buyer si PO1 Kirk Alwyn Gonzales at nakipagkita sa suspek upang bumili ng P200 halaga ng shabu.

National

Dahil sa bagyong Gener: 19 lugar sa Luzon, Signal No. 1 pa rin

Gayunman, habang isinasagawa ang transaksiyon sa loob ng isang sports utility vehicle (SUV) ay nakahalata umano si Demonyo na undercover operative si PO1 Gonzales, kaya’t agad bumaba ng sasakyan ang pulis.

Hinabol naman ni Demonyo si Gonzales at dito na nagdesisyon ang huli na paputukan ang una na naging sanhi ng pagkamatay niya.

Nakumpiska mula kay Demonyo ang limang pakete ng shabu at isang kalibre .38 na may apat na bala. (Mary Ann Santiago)