Walang nakikitang problema ang Malacañang para maapektuhan ang serbisyo-publiko sa mga sangay ng gobyerno na walang pinuno.

Ito ang tiniyak kahapon ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Martin Andanar, kasunod ng pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga presidential appointee.

Paliwanag ni Andanar, malakas ang burokrasya ng bansa na kayang magpatakbo sa gobyerno kahit pansamantalang walang pinuno sa ilang ahensya.

“Wala naman nakikitang problema dahil may mga deputy naman at career officers ang mga ahensya, na maaaring magpatakbo sa trabaho ng mga government offices,” ani Andanar.

National

DOH, nilinaw na hindi kumpirmado kumakalat na umano’y ‘international health concern’

“Ang ating burokrasya ay malakas po naman, eh nakatayo po naman ang burokrasya kahit po wala iyong mga pinuno. Mayroon namang mga deputy, mayroon naman tayong mga career officers, so wala hong problema, tatakbo po ang ating gobyerno,” ayon kay Andanar.

Napag-alaman na nagpasya ang Pangulo na ideklarang bakante ang libu-libong presidential appointee positions simula Lunes dahil sa laganap pa rin aniya ang korapsyon sa gobyerno. (Beth Camia)