Submitted for resolution na ang inihaing urgent motion for release on bail para sa tatlong consultant ng National Democratic Front-Communist Party of the Philippines (NDF-CPP) kaya’t inaasahan na anumang araw ay maglalabas na ng desisyon hinggil dito ang korte.

Hindi tumutol ang prosekusyon sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) sa hiling ng mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon at Adel Silva na sila ay mapalaya sa isinagawang pagdinig ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 kahapon.

Gayunman, dapat sumailalim sa ilang kondisyon ang tatlong opisyal ng NDF para sa kanilang pansamantalang kalayaan, tulad ng: para lamang sa pagdalo sa peace talks ang dahilan ng kanilang paglaya, at magtatagal lamang ito hanggang sa matapos ang usapang pangkapayapaan; obligado silang magbayad ng P100,000 bail bond, na kakanselahin din pagkatapos ng peace talks; isumite sa korte ang lahat ng kanilang contact numbers, at mag-report sa Philippine Embassy sa Oslo, Norway kung kinakailangan.

Binigyang-diin ni Commissioner Rene Sarmiento, kinatawan ng Government Peace Panel sa korte, na mahalaga ang papel ng tatlo sa usapang pangkapayapaan at sa mga nakalipas na panahon ay pinagbigyan naman ng hukuman ang ganitong mga hiling.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Umapela si Sarmiento sa husgado na maipalabas kaagad ang pasya dahil nalalapit na ang pagsisimula ng peace talks sa Agosto 20 sa Oslo, Norway.

Ang mag-asawang Tiamzon at si Silva ay may kinakaharap na kasong multiple murder sa Manila RTC kaugnay sa natagpuang mass grave sa Leyte noong 2006. (Mary Ann Santiago)