PAMPLONA, Cagayan - Patay matapos na pagbabarilin ng dalawang armado si Pamplona Vice Mayor Aaron Sampaga habang sugatan naman ang kaibigan nito sa Barangay Masi sa bayang ito.

Sa panayam kahapon kay Senior Insp. Francis Pattad, hepe ng Pamplona Police, nabatid na nasa kasarapan ng pakikipag-inuman ang bise alkalde sa anim na iba pa, dakong 11:20 ng gabi nitong Biyernes, nang paulanan sila ng bala ng mga suspek.

Tinamaan din ng bala si Ralger de Guzman, na residente rin sa nabanggit na lugar.

Ayon sa pulisya, anim na basyo ng M16 armalite riffle at dalawang basyo ng .45 caliber pistol ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Sinabi naman ng mga testigo na kapwa nakasuot ng sombrero at hindi taga-Masi ang mga suspek.

Iniutos na ng Cagayan Police Provincial Office ang masusing imbestigasyon sa kaso.

Nilinaw naman ni Pattad na walang kinalaman sa droga si Sampaga. - Liezle Basa Iñigo