Isang lalaking umano’y miyembro ng “Bahala na Gang” ang napatay, habang arestado naman ang kanyang kapatid at kinakasama, gayundin ang tatlo pang indibiduwal, nang salakayin ng mga awtoridad ang kanilang tinutuluyan sa Sta. Ana, Manila, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si John Paul Martinez, 21, ng 2460 Pasig Line St., kanto ng Sagrada Familia St., Sta. Ana, Manila.

Samantala, arestado naman sina Michelle, 26, kapatid ni Martinez, at Ivy Montano, 18, kinakasama ni Martinez, kapwa residente ng naturang lugar, at sina Jasly Surima, 18, ng 3415 Adora St., Makati City; Jordan Ear, 28, ng 2423 Mercurio St., Sta. Ana, Manila; at Ivan Payabyab, 33, miyembro rin umano ng Bahala na Gang, at residente ng 2343 Pasig Line Street, Sta. Ana, Manila.

Ayon kay PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:40 ng madaling araw isinagawa ng mga tauhan ng MPD-Station ang drug operation sa mismong tahanan ni Martinez.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nakapasok umano si PO1 Mark John Ala sa tahanan ng suspek at nagpanggap na poseur buyer para bumili ng shabu sa halagang P200.

Nakahalata umano si Martinez na pulis ang katransaksiyon kaya’t agad nitong ang revolver at tangkang magpapaputok, ngunit naging maagap ang alagad ng batas at inunahan siyang barilin na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. - Mary Ann Santiago