KAPAG may napatay ang mga pulis sa kanilang legal na operasyon, wala raw silang pananagutan, ayon kay PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa. Ipinapalagay aniya ng batas na regular nilang ginampanan ang kanilang tungkulin.
Nanlaban kasi ang kanilang mga pinatay habang inaaresto nila ang mga ito. Binibigyan ng hepe ng katwiran ang mga pagpatay na ginagawa ng kanyang mga tauhan sa mga taong sangkot sa ilegal na droga.
Nais niyang ipakita na pangkaraniwan na ang mga ganitong pangyayari na dapat tanggapin ng taumbayan dahil ang layunin nito ay sugpuin ang kriminalidad at droga.
Ang pumatay sa pagganap ng tungkulin ay hindi dahilan para huwag nang imbestigahan ang pumatay at alamin ang pananagutan nito.
Depensa lang kasi ito. Bawat operasyong inilulunsad ng mga pulis na nakapapatay sila ay dapat iniimbestigahan. Kapag nalaman kung sino ang mga nakapatay, dapat ay sampahan sila ng kaso.
Sa pagdinig ng kasong ito, kriminal man o administratibo, dito ilalahad ng nakapatay ang kanyang depensa gaya ng pagganap sa opisyal na tungkulin. Ang presumption na regular na nagampanan ng nakapatay ang kanyang opisyal na tungkulin, kaya hindi siya dapat imbestigahan at panagutin, ay hindi pwedeng gamitin o sandigan.
Walang katumbas ang buhay ng tao. Sa demokrasya na rule of law ang isa sa mga batayang prinsipyo nito, ang tao na pinapanagot sa kaso ay ipinapalagay na inosente. Mapapanagot at mapaparusahan lamang siya sa kasong isinampa laban sa kanya pagkatapos ng pagdinig. Due process of law ang tawag dito. Dahil ang administrasyong Duterte ay may deadline na ipinangako sa pagsugpo ng kriminilidad at ilegal na droga, nabubwisit siya sa due process at human rights. Pinaikli niya ang proseso. Pinapatay niya ang mga akala ninyong may sala.
Kaya hindi pwedeng tanggapin na katwiran ang kalakarang regular na ginampanan lang ng pumatay ang kanyang tungkulin.
Dahil pinatay nga ang dapat sana ay binigyan nila ng pagkakataong makapagpaliwanag, dapat patunayan ng mga pumatay sa anumang kasong isasampa laban sa kanila na ginawa nila ang pagpatay dahil ginawa nila ang opisyal nilang trabaho.
Mali si Bato sa kanyang pangangatwiran sa pagpatay nila ng tao. (Ric Valmonte)