030816_divisoria_shabu02_vicoy copy

Laking-gulat ng mga tauhan ng Department of Public Safety (DPS) sa nadiskubreng drug den na ilang hakbang lamang ang layo mula sa Juan Luna Police Community Precinct (PCP) sa isinagawang clearing operation na pinangunahan mismo ni Manila Mayor Joseph Estrada sa Binondo, Manila kahapon ng umaga.

Pagsapit umano ng mga awtoridad sa Muelle de Binondo Bridge ay napansin umano nila ang mga barung-barong sa ilalim ng tulay kung kaya’t pinuntahan nila ito at isa-isang giniba.

Dito na tumambad ang pugad ng mga gumagamit at nagbebenta ng ilegal na droga, mga drug paraphernalia at shabu, gayundin ang ilegal na koneksyon ng kuryente na sinasabing nakakonekta mismo sa presinto.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Naaresto naman ang hinihinalang drug pusher sa lugar na si Robert Regio, 50, ng Barangay 125, Matiisin St., Tondo, Manila.

Dahil dito ay agad ipinasibak ni Police Supt. Amante Daro, station commander ng MPD- Station 11, si Juan Luna PCP commander police chief Insp. Luis Guisic, alinsunod na rin sa direktiba ni Mayor Estrada. Siya ay papalitan ni Police chief Insp. Roy Caluyot.

Nagpaliwanag naman si Guisic at ipinagtanggol ang sarili.

“Last, last week, before, mayroon tayong huli diyan. Nagkataon lang na, hindi naman natin sinasadya na hindi malaman because nakokoberan nga siya (drug den) ng vendors. Hindi natin alam na ganoon,” ani Guisic.

Ayon kay Estrada, lagi niyang ipinag-uutos sa mga pulis ang all-out drive kontra droga kaya’t hindi aniya katanggap-tanggap na makadiskubre ng drug den na malapit mismo sa presinto.

Tiniyak din ng alkalde na magpapatuloy ang clearing operation sa nasabing lungsod. (Mary Ann Santiago)