INAAKUSAHAN ng ‘Pinas ang China ng pagiging bully o manduduro dahil sa pag-okupa sa mga reef, shoal at bank sa West Philippine Sea (WPS). Ngayon naman, pinararatangan ni Jose Maria Sison (Joma), founding chairman ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), si President Rodrigo Roa Duterte (RRD) bilang bully rin at butangero pa sanhi ng usapin sa unilateral ceasefire sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Iniutos ni Mano Digong ang tigil-putukan sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at itigil ang opensiba laban sa NPA rebels. Gayunman, kinansela niya ang direktiba nang mabigo ang CPP-NPA-NDF na mag-isyu rin ng katumbas na ceasefire at hindi nakatupad sa 48 oras na ultimatum upang magpaliwang sa pag-ambush ng NPA sa CAFGU-soldier convoy sa Kapalong, Davao del Norte na ikinamatay ng isang Cafgu member at pagkakasugat ng apat na iba pa.

Ano ba ito? Nagalit si RRD dahil pinatigil na niya ang military sa operasyon laban sa mga rebeldeng komunista, pero tinambangan pa rin ang mga Cafgu na pabalik sa kanilang barracks. Mukhang hindi sinusunod ng mga NPA na nasa kabundukan sina Joma at Luis Jalandoni na nasa The Netherlands. Sabi nga ni katotong Bing Formento, isang batikang Defense reporter, may bagong lider na ang CPP-NPA sa Pilipinas at hindi na sinusunod sina Joma at Jalandoni. Totoo kaya ito?

Lumalambot na ang pusong-bato ni President Duterte sa kanyang self-imposed media boycott. Gumagana na ang kanyang pusong-mamon nang ipatawag niya noong Lunes ang Malacañang reporters sa isang snap press briefing sa Rizal Hall matapos panumpain ang ilang bagong opisyal ng gobyerno. Hindi maipaliwanag ni Communications Sec. Martin Andanar at presidential spokesperson Ernesto Abella ang biglang paglambot ng pusong-bato ng presidente sa media.

May hinuha ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko na ang pagbabagong-loob ng butangero, este President Rody, ay bunsod ng dumaraming batikos sa kanya mula sa social media, netizen, at local media dahil sa walang habas na pagpatay sa suspected drug pushers at users na laging sinasabi ng mga pulis na nanlaban daw. Eh, bakit daw kung nanlaban at may baril bakit wala pang pulis na nagurlisan man lang o kaya’y tinamaan ng .38 cal. pistol na laging natatagpuan sa tabi ng bangkay.

May kakambal na ngayon si Gen. Bato (PNP Chief Ronald dela Rosa) sa katauhan ni Police mascot “PO1 Bato”. Iprinisenta siya sa publiko kaugnay ng ika-24 anibersaryo ng Police Community Relations Group sa Camp Crame. Parang pinagbiyak na bunga sina Gen. Bato at mascot PO1 Bato. Parehong makinis ang tuktok ng mga ulo at kapwa maluwang ang bibig sa pagkakangiti.

Mabuhay ka, Gen. Bato. Sana naman ay pigilan mo ang iyong mga pulis na huwag basta-basta raratratin ang pinaghihinalaan pa lang na drug addict. May buhay din sila, pamilya, asawa, at anak. Ang pagsikapan mong hanapin at itumba ay iyong mga big-time drug lord na katulad nina Peter Co, Peter Lim na ayon sa iyong Boss, si Mano Digong, ay suppliers ng droga at salot sa lipunan! (Bert de Guzman)