Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa kritikal na kondisyon ang isang binata matapos umanong paghahampasin ng kahoy ng sarili nitong ama at pagsasaksakin ng nakatatandang kapatid, habang nag-iinuman sa Valenzuela City noong Lunes ng gabi.

Inoobserbahan sa Valenzuela City Medical Center si Marlon Higoy, 29, residente ng Area 4, Pinalagad St., Barangay Malinta ng nasabing lungsod, sanhi ng sugat sa ulo at saksak sa likuran.

Ayon kay PO2 Julio Fernando, dakong 10:30 ng gabi, nag-iinuman ang mag-aama, kasama ang ilan pang bisita, dahil ginugunita ng pamilya Higoy ang araw ng pagkamtay ng kanilang nanay.

Pinagsabihan umano ni Reynaldo si Marlon na baguhin na ang masamang pag-uugali kapag nasosobrahan sa pag-inom ng alak.

Eleksyon

'Babalik na sa politika!' De Lima, lead nominee ng Mamamayang Liberal party-list

Dinamdam umano ito ng biktima at nagsalita ng pabalang sa ama na kung saan ay marami ang nakarinig.

Sa inis umano ni Reynaldo ay kumuha ito ng kahoy at inihampas sa anak, subalit sa halip na tumigil sa pagsasalita ay lalo pa umano itong nagpatuloy sa pagsagot sa kanyang ama.

Dahil dito ay nagbago na rin ang timpla ni Marvin at sinaksak sa likod ang kapatid.

Nahinto lamang ang gulo nang awatin sila ng kanilang mga kaanak at agad nilang dinala sa nasabing pagamutan ang biktima.