Tatlong lalaki na hinihinalang drug pusher ang nasawi makaraang manlaban umano sa buy-bust operation ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa Port Area, Manila, kamakalawa ng gabi.

Ang unang suspek ay kinilala lang sa alyas na “Robbie”, nasa edad 40s, may taas na 5’6”, nakasuot ng multi-colored polo shirt at puting shorts, at residente ng 14th Street, Port Area; habang ang ikalawang suspek ay si Sahir Omar, nasa late 20s ang edad, at residente ng Baseco Compound sa Tondo.

Samantala, ang ikatlong suspek ay nasa edad 30s, 5’6” ang taas, balingkinitan, at nakasuot ng itim na T-shirt, at green at white checkered shorts.

Batay sa ulat ni Supt. Albert Barot, hepe ng MPD-Station 5, lumilitaw na ikinasa ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng MPD-Station 5 ang buy-bust dakong 11:05 ng gabi sa panulukan ng 14th at Delgado Streets sa Barangay 650, Zone 68 sa Port Area.

National

VP Sara Duterte, binisita si Ex-VP Leni Robredo sa Naga

Target ng naturang operasyon si alyas Robbie, na nakipagtransaksiyon sa poseur buyer na si PO1 Ron Elly Galvez.

Gayunman, nang sumignal si Galvez sa team leader na si PO3 Nestor Lehitimas ay nakahalata si alyas Robbie kaya agad umano itong bumunot ng magnum .357 at tinangkang paputukan ang mga pulis.

Naging mas mabilis naman ang awtoridad at pinaputukan si alyas Robbie sa kaliwang sentido.

Nagtangka rin umanong manlaban ang dalawa pang napatay na suspek, kaya pinaputukan rin sila ng mga awtoridad.

Narekober ng mga pulis mula sa mga suspek ang magnum .357, isang .9mm caliber pistol, at apat na plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at marked money. (Mary Ann Santiago)