SI Pangulong Digong na mismo ang nagsabi na Constituent Assembly (ConAss) at hindi na Constitutional Convention (ConCon) tulad ng ipinangako niya ang mag-aamyenda ng Saligang Batas. Sa pagbaligtad ng Pangulo, higit umanong makatitipid at mabilis na magagawa ito kung ganito ang paraan. Kaya, ang mga mambabatas na ang gaganap ng tungkulin sa halip na mga delegadong ihahalal ng taumbayan.

Maanghang na naman ang buwelta niya sa mga tumutuligsa sa kanyang pagbaligtad. Marunong pa aniya ang mga ito gayong may mga Senador at Kongresistang ilang beses nang ibinalik ng mamamayan sa kanilang posisyon ang magbabago ng Konstitusyon. Bakit hindi raw sila pagkatiwalaan? Babantayan naman daw niya ang mga ito habang ginaganap nila ang kanilang trabaho.

Sa pag-amyenda ngayon ng Konstitusyon, hindi lamang bahagi nito ang papalitan o reretokahin kundi ang kabuuan nito.

Panagot ito hindi lamang sa mga kasalukuyang problema ng bansa kundi sa mga problema pa at hamon na darating.

Kailangan maging matibay itong haligi na kakapitan ng bayan anuman ang lagay ng panahon. Tahimik man o magulo, kaya niyang pag-isahin ang sambayanan.

Ang matinong Saligang Batas na makasusunod sa kanyang tunay na layunin ay pinag-aaralan mabuti at hindi minamabilis ang paggawa. Hindi rin ito pinanghihinayangang gastusan.

Ang ilagay mo sa kamay ng mga mambabatas ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay parang pinabantayan mo sa iyong mga alagang kambing ang taniman mong repolyo. Bawat probisyon nito ay kakikitaan mo ng kanilang pansariling interes.

Malilimitahan ng kanilang sariling interes ang kakayahan ng Konstitusyong lapatan ng lunas ang kasalukuyan at darating pang mga problema sa bansa. Hirap itong isulong ang pagbabago at pag-unlad dahil pinakipot ang sakop nito ng kanilang sariling layunin at ambisyon.

Hinihikayat ni Pangulong Digong ang taumbayan na pagkatiwalaan ang mga mambabatas. Magagawa ba ito ng mamamayan matapos na naman nilang abondonahin ang kanilang partido at lumipat sa iba kung saan dito sila magtatamasa? Hindi mo rin maiaalis na gawin nila ito dahil sa napakalaking salaping ginamit nila para sila manalo sa halalan. Sa bawat okasyon na magagawa nila ito ay hindi nila ito palalamapasin. Isa na nga rito ay ang pag-amyenda ng Saligang Batas.

Baka ito pa ang naging konsiderasyon sa kanilang pagiging political butterfly. (Ric Valmonte)