Labing-tatlong tama ng kutsilyo ang ibinaon ng isang lalaki sa kanyang dating kinakasama matapos ang mainit nilang pagtatalo sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rizza Sanchez, 27, residente ng 226 H. Lopez, Balut, Tondo, Manila.

Nakatakas naman ang suspek na si alyas “Resie Sese”, 30, residente rin ng naturang lugar.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong 8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa isang eskinita sa Dayao Street sa Balut, Tondo.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

Nauna rito, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dating mag-live-in partner sa hindi pa malamang dahilan na nauwi sa pananaksak.

Isinugod pa sa pagamutan ni Adonis Castro, barangay tanod, ang biktima ngunit nasawi rin ito.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang kutsilyo na may kulay orange na hawakan at may habang 13 pulgada.

Hinala ng mga awtoridad na may kinalaman sa kanilang dating pagsasama ang ugat ng pagtatalo. (Mary Ann Santiago)