Lumalalim pa lamang ang gabi nitong Martes, nagsimula nang maglibut-libot ang mga pulis sa paligid ng Pasay City upang tugisin ang mga lalaking sangkot umano sa ilegal na gawain. At nito ngang Miyerkules ng umaga, anim na lalaki—lima sa mga ito ay hindi pa nakikilala—ay pinagbabaril at pinagsasaksak hanggang sa mapatay, habang ang kanilang mukha, kamay at paa ay binalot ng packaging tape at may nakapatong na karatula sa kani-kanilang katawan kung saan nakalapat ang mga krimeng kinasangkutan.

Ang tanging biktima na nakilala ng Pasay City Police ay si Jethro Sosa, alias Jet-Jet, 27, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang at isang notoryus holdaper-pusher, ng No. 255 Andrews Avenue Bgy. 185, Zone 19, Nichols, Pasay.

Ayon kina PO2 Noel Burden at PO2 Catalino Gazmen, imbestigador, si Sosa ay binaril habang naglalaro sa isang computer shop sa Andrews Avenue, dakong 9:30 ng gabi nitong Martes.

Ang ikalawang biktima ay nadiskubre ng mga rumurondang pulis dakong 12:50 ng madaling araw nitong Miyerkules, sa kahabaan ng Diokno Boulevard.

Chinese zoo, kinuyog matapos gawing 'panda' ang mga aso

Ang biktima ay may taas na 5’5”, nakasuot ng itim na t-shirt, brown short pants na may belt, katamtaman ang pangangatawan, at kulot ang buhok.

Nakabulagta ang biktima sa semento, nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nakabalot ng packaging tape ang kanyang mukha at kamay, habang may nakapatong na karatula na may katagang: “WAG TULARAN CARNAPPER/ADIK AKO.

MARAMING TAO NA NILOKO NAMIN”.

Ginilitan naman ang ikatlong biktima na natagpuan dakong 2:33 ng umaga nitong Miyerkules sa madamong lugar sa southbound lane ng Service Road, Roxas Boulevard. Sa tabi ng kanyang bangkay ay may karatula na may nakasaad na: “CARNAPPER AKO HUWAG TULARAN. MADAMI NA KAMING NABIKTIMA”.

Habang ang ikaapat na bangkay ay isa umanong magnanakaw, nasa edad 30, 5’6” ang taas, nakasuot ng gray na t-shirt at itim na shorts, at may tattoo sa kanyang kaliwang braso na “Martinez”. Ito ay nadiskubre dakong 3:45 ng madaling araw nitong Miyerkules sa kahabaan ng Donada Street.

Makalipas ang limang minuto, isa pang pinaghihinalaang magnanakaw ang natagpuang naliligo sa sarili nitong dugo, dakong 3:50 ng madaling araw, sa isang bakanteng lote sa Taft Avenue. Nakagapos ang mga paa at may karatula ring nakapatong sa bangkay na nagsasabing “AKYAT BAHAY AKO WAG TULARAN. AKO SI KUNTIL”.

At ang pinakahuli ay ang pinaghihinalaang karnaper na natagpuang nakahandusay sa kalsada dakong 5:40 ng umaga sa isang parking area ng isang bangko sa Roxas Boulevard.

Ayon kay Chief Inspector Rolando Baula, ng Pasay Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), nagsasagawa na sila ng imbestigasyon kung magkakaugnay ang nangyaring insidente.

“Ngayon, iniimbestigahan na natin kung posibleng iisa lang ang tumira dahil merong mga pare-parehong nakatali at nakabalot ‘yong mukha, kamay at paa ng packaging tape,” ayon kay Baula. (MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)