Hindi na nagawa pang magbagong-buhay ng isang pasukong drug pusher matapos umanong pagbabarilin hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek, habang tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang binatilyo sa Caloocan City, kahapon ng tanghali.

Dead on the spot si Rommel Natividad, 42, ng No. 1323 Sawata Area 1, Barangay 35 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa report, dakong 12:30 ng tanghali nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng J.P. Rizal, Bgy. 35, Caloocan City.

Nagtungo umano sa barangay hall si Natividad upang isuko ang sarili dahil plano na nitong magbagong-buhay at tumigil sa pagbebenta ng shabu.

Probinsya

Barangay chairman sa Ilocos Norte, pinagbabaril

Ngunit nagpasya umano si Natividad na umuwi muna at bumalik na lang uli dahil wala pa naman ang kanilang barangay chairman.

Hindi pa man nakalalayo si Natividad mula sa barangay hall, bigla umanong sumulpot ang apat na suspek na lulan ng dalawang motorsiklo at pinagbabaril ang una.

Inoobserbahan naman sa Caloocan City Medical Center si Mark Louis Villaflor, 14, ng Bagong Sibol St., dahil sa ligaw na bala.

Naglalakad lamang umano si Villaflor nang biglang madaplisan ng bala ng baril. (Orly L. Barcala)