Kritikal ngayon ang isang mekaniko matapos pagbabarilin ng apat na lalaki sa Caloocan City, nitong Linggo ng madaling araw.

Kasalukuyang inoobserbahan sa intensive care unit (ICU) sa Caloocan City Medical Center si Rustia Alfie, 30, ng No. 212 Interior 5, Dona Rita, Barangay 19 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa mukha, kaliwang bahagi ng ulo, at katawan.

Ayon sa report, dakong 3:30 ng madaling araw, abala sa pagkukumpuni ng kanyang motorsiklo ang biktima sa labas ng kanilang bahay.

Makalipas ang ilang minuto, biglang nagsulputan ang mga suspek na pawang nakasout ng bonnet at walang habas na pinagbabaril si Alfie.

National

Anna Mae Yu Lamentillo itinalaga bilang Editor in Chief ng LSE International Development Review

Sa pag-aakalang patay na ang biktima, kumaripas sa pagtakas ang mga suspek.

Sa ngayon ay hinihintay ni PO2 Ferdinand Orbeta ng Station Investigation Division (SID) na magkamalay si Alfie para malaman kung sino ang mga nasa likod ng pamamaril.

Ayon kay PO2 Orbeta, posibleng kakilala ng biktima ang mga bumaril sa kanya dahil nagsuot ng bonnet ang mga suspek.

(Orly L. Barcala)