TAMA ang hakbang na gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos nating manalo sa kasong isinampa sa Philippine Court of Arbitrarian (PCA) laban sa China. Idineklara ng PCA na may karapatan tayo sa Scarborough Shoal na inaangkin ng China na bahagi ng kanyang teritoryo. “Makipag-usap tayo,” wika ng Pangulo. Hindi aniya tayo handa na makipagdigma.
“War is a dirty word,” sabi pa niya.
Katanggap-tanggap ang nais niyang gawing kinatawan ng bansa sa pagkikipag-usap sa China ay si dating Pangulong Fidel Ramos. Kung mayroong pinaka-kuwalipikado sa tungkuling ito ay walang iba kundi siya. Ang pagiging militar niya at bilang dating Pangulo ng bansa ay labis-labis na nagbigay sa kanya ng katalinuhan at kahinahunan na magagamit niya sa pagkikipag-usap sa anumang bansa lalo na sa mga maselang bagay.
Maliit tayong bansa na makikipag-ugnayan sa higanteng China na naghahangad na masarili ang Scarborough Shoal, pero kay FVR paparehas tayo sa taglay niyang katangian sa pagpapairal ng katwiran, kapayapaan at pakikipagkaibigan.
Ano lang ba naman ang ipinagwagi ng ating bansa sa arbitral tribunal? Hindi naman iyong masarili nito ang pinaglalabanang teritoryo gaya ng hangarin ng China. Ang ibinigay nito sa ating bansa ay ang karapatang magamit ang lugar: Karapatang mangisda, magmina at mahalukay ang ilalim nito na posibleng may deposito itong langis. Mahirap bang ipakiusap ito lalo na kung kagaya ni FVR ang makikipag-usap para sa ating bansa?
Nauna nang sinabi ng China na hindi niya susundin ang desisyon ng PCA. Hindi raw demandahan kundi usapan ang paraan ng pagreresolba ng alitan. Pero, sa ayaw at sa gusto ay may desisyon na. Iginawad ito ng arbitral tribunal ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) na lumikha ng patakaran sa paggamit ng pandaigdigang dagat.
Ang Pilipinas at China, kasama ang 165 bansa, ay lumagda sa kasunduang ito.
Totoo, walang kapangyarihan ang PCA para puwersahin ang China na sumunod sa desisyon nito pabor sa ating bansa. Pero, napakahirap para sa China na gumalaw sa grupo ng mga bansa na ang ipinagmamalaki niya ay lakas. Nagkakaisa kasi ang mga ito sa layuning maiwasan ang digmaan at maging mapayapa ang daigdig. Sa digmaan, walang nanalo. Ang opinyon ng mga nagkakaisang bansa ay para ring batas na maaaring maging dahilan upang makumbinse ang China na sumunod sa desisyon ng PCA. Idagdag mo pa rito ang naging posisyon ni Pangulong Digong na makipag-usap siya rito sa tulong ni FVR. (Ric Valmonte)