pacman copy

Arum, nagbida; Pacquiao, itinanggi na lalaban ngayong taon.

LAS VEGAS (AP) — Ipinahayag ni Bob Arum, promoter ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa Top Rank, na handa ang bagong halal na Senador na magbalik-aksiyon at magaganap ito sa Nobyembre 5, sa Las Vegas.

“He likes to fight and he likes the attention,” pahayag ni Arum sa panayam ng The Associated Press.

Trending

Tikiman time! Kakasa ka bang kainin ang Pomegranate?

Inihayag ni Arum ang plano ni Pacquiao matapos umano ang masinsinan nilang pag-uusap hinggil sa kanyang career sa pulitika at boxing. Dumating sa Manila si Arum nitong Martes.

At tiniyak ng beteranong promoter na hindi maaapektuhan ang tungkulin ni Pacman bilang mambabatas sa kanyang paghahanda para sa laban.

“He would train in the Philippines and leave on the 16th to come to the U.S., train for two weeks and then come to Vegas,” sambit ni Arum.

“The only issue is getting an arena for the fight,” aniya.

Iginiit ni Arum na plano niyang kausapin ang pamunuan ng MGM Resorts. Nauna rito, nagpareserba na siya sa Mandalay Bay Arena para sa Oktubre 15 na laban, subalit hindi ito suwak sa iskedyul ni Pacquiao sa Senado, higit at rerepasuhin ang national budget para sa 2017.

“He conferred with the president of the Philippines Senate, who gave him permission to fight, but the 15th was turned down because the senate needs to do the budget, so now we need to get the date that coincides with the schedule, Oct. 29, or Nov. 5,” sambit ni Arum.

Ngunit, sa pahayag sa kanyang official Facebook page, itinanggi ni Pacquiao na lalaban siyang muli ngayong taon at tiniyak na gagampanan niya ang sinumpaang tungkulin bilang Senador.

“There is no truth to media reports that I’m planning to take a leave from my Senate duties just to fight again atop the ring,” pahayag ni Pacquiao.

”I want to make it clear - my priority is my legislative works,” aniya.

Subalit, tila nagparadam din siya sa posibilidad na lumaban kung hindi magkakaroon ng aberya sa iskedyul ng Senado.

“My next fight has not yet been discussed. Should there be any, I’ll make sure it will not interfere with my Senate duties,” ayon kay Pacquiao.

Matatandaang naipahayag ni Pacman na handa na siyang magretiro matapos ang laban kay Timothy Bradley kung saan nagwagi siya via unanimous decision noong Abril.

“If you ask me to come back I don’t know,” sambit ni Pacquiao.

“I may be enjoying retired life. I’m not there yet so I just don’t know.”

Isa nang Congressman si Pacman noong mga panahon na lumaban siya, kabilang na ang makasaysayang duwelo kay undefeated champion Floyd Mayweather, Jr. sa nakalipas na taon.

Ayon kay Arum, plano niyang ilaban si Pacman (58-6-2, 38 knockout) sa magwawagi sa laban nina unbeaten junior-welterweight world champions Terence Crawford ng U.S. at Viktor Postol ng Russia sa Hulyo 23, sa MGM Grand.

Siniguro ni Carl Moretti, executive ng Top Rank, na tanging sa welterweight division lamang ilalaban si Pacquiao kung kaya’t malaki rin ang pagkakataon na maikasa siya kina unbeaten World Boxing Council champion Danny Garcia at World Boxing Organization champion Jesse Vargas, gayundin kay four-division champion Adrien Broner.