Tim Duncan, nagretiro makalipas ang 19 na season sa NBA.
SAN ANTONIO (AP) — Kung ang isyu ng katapatan sa koponan ang pag-uusapan, isa si Tim Duncan sa buhay na patotoo na merong “forever”.
Ibinuhos ni Duncan ang lakas, kakayahan at talento sa nakalipas na 19 na season sa San Antonio Spurs. At sa kabiguan at tagumpay, hindi naging balakid ang kontrata at pera para mag-alsa balutan ang 6-fooot-11 palabas ng Texas para sa tawag ng katanyagan. Sa kanyang pamamalagi sa koponan, nakasama niya ang kabuuang 140 teammate.
At matapos ang halos dalawang dekada na nagresulta ng limang NBA title at makasaysayang 19 na sunod na taon sa playoff, tuluyan nang tinanggap ng dating top rookie pick mula sa Wake Forest ang tawag ng tadhana.
Sa isang simpleng pahayag, taliwas sa magarbong pamamaraan na tulad ng ibinigay ng Los Angeles Lakers kay Kobe Bryant sa nakalipas na season, tinapos ni Duncan ang makasaysayang NBA career.
Walang kasiyahan o programa. Wala ring Tour at pamosong interview. Isang simpleng mensahe lamang ng pasasalamat ang inilaan ni Duncan. Nakatakdang magbigay ng pormal na pahayag ang Spurs management, sa pamamagitan ni coach Greg Popovich sa Martes (Miyerkules sa Manila).
“The greatest power forward ever,” pahayag ni Los Angeles Clippers Jamal Crawford nitong Lunes (Martes sa Manila), bilang pagkilala sa natatanging galing ni Duncan.
Bilang No. 1 overall pick noong 1997 drafting, hinubog ni coach Gregg Popovich ang Bahamas native at binuo ang “Big 3” nina point guard Tony Parker at shooting guard Manu Ginobili para dalhin ang Spurs sa tugatog ng tagumpay at tanghalin na isa sa respetadong prangkisa sa liga.
Bukod sa limang NBA title, nakopo ni Duncan ang dalawang MVP award at isa sa apat na player sa liga na naging Finals MVP ng tatlong beses. Miyembro siya ng All-NBA first team ng 10 ulit at isa sa tatlong player kasama nina Hall-of-Famer Kareem Abdul-Jabbar at Robert Parrish na may 1,000 career win.
All-Star member siya sa 15 pagkakataon, ikalima sa NBA career sa block, ikaanim na rebound at ika-14 sa all-time scoring.
“For us as players, we just enjoy and appreciate each other,” pahayag ni Bryant.
“It’s not a matter of who’s better or who’s greater. You just accept the careers that you’ve had. I appreciate his career, and vice versa.”
Nagdesisyon si Duncan na tapusin ang career dalawang buwan mula nang matalo ang Spurs sa Oklahoma City Thunder sa Western Conference semifinals kung saan matikas pa ring nakihamok ang “old warrior” ng Spurs laban sa mas bata at mas malalakas na karibal.
“Timmy’s never been a very outspoken or emoting sort of individual on the court,” pahayag ni Popovich. “Everybody does it differently.”