Simpleng empleyado, newsman at maybahay ng Sultan, pinili ni Digong para sa five-man PSC Board.

Kuwalipikasiyon, hindi asosasyon.

Pinatunayan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapos na ang “palakasan” sa sports nang italaga na mapabilang sa five-man Board ng Philippine Sports Commission (PSC) ang tatlong simpleng mamamayan, ngunit may puso sa mga atletang Pinoy para makatuwang sa pagpapaunlad sa sports.

Sa pamamagitan ni Presidential Management Staff (PMS)head at Special Assistant to the President Bong Go, kinumpirma nitong sa Sabado ang appointment nina PSC Assistance and Coordination Division Chief Arnold Agustin, dating Sun.Star Davao sports editor Charles Maxey at pencak silat president Celia Kiram bilang mga bagong commissioner ng government sports agency.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nauna rito, itinalaga ni Duterte si William “Butch” Ramirez, dating PSC chairman sa administrasyon ni Pangulong Arroyo, na muling pamunuan ang ahensiya, habang si PBA hall-of-famer Ramon “El Presidente” Fernandez bilang isa sa commissioner.

Papalitan nila ang mga appointee ni PNoy na sina chairman Richie Garcia, commissioner Buddy Andrada, Jolly Gomez, Iggy Clavecilla at dating swimmer na si Akiko Thompson – ang pinakamatagal nang manilbihan bilang commissioner sa nakalipas na isang dekada.

Itinalaga rin bilang bagong Executive Director si Atty. Carlo Abarquez bilang kapalit ni Atty. Guillermo Iroy, Jr.

Ikinalugod ng mga empleyado sa PSC ang pagkakatalaga kay Agustin, isang simpleng empleyado na nagsimula mula sa nabuwag na Gintong Alay project.

“Nagpapasalamat kami kay Presidente Duterte sa pagbibigay tiwala sa kakayahan ng aming kasamahan. Nakatutuwang isipin na may puwang na ngayon ang mga pangkaraniwang mamamayan, ngunit kuwalipikado para mamuno sa ahensiya ng pamahalaan,” pahayag ni Jess Bonghe, kasamahan ni Agustin sa PSC sa loob ng mahabang panahon.

Maging si Agustin ay hindi makapaniwala na makokonsidera ang kanyang pangalan sa dami ng mga aplikante para sa posisyon.

“Lubos ang aking pasasalamat kay Pangulong Duterte sa tiwalang ibinigay sa akin. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para maisulong ang mga programa sa sports at mas mabigyan ng tamang atensiyon ang ating mga atleta,” pahayag ni Agustin, nangako ring tutuldukan ang “red-tape” sa ahensiya.

Sa panayam naman ng Sun.Star Davao, hindi rin naitago ni Maxey ang kasiyahan sa pagkakataong ibinigay ni Duterte para matulungan ang administrasyon na palakasin ang grassroots sports program.

“Honestly, I was not expecting this kind of position but I would like to thank the president for giving me the opportunity to work under him and to serve the people,” sambit ni Maxey, naging sports reporter at editor sa Peryodiko Dabaw (Sun.Star Davao), bago nagsilbing executive director sa Sports Development Division of the City Mayor’s Office (SDD-CMO) nang magbalik bilang Mayor si Duterte noong 2013.

Kabilang sa pinalakas ng SDD-CMO ang programa sa Tribal Games, gayundin ang Midnight Cup basketball para sa mga kabataan na naligaw ng landas.

Iginiit ni Maxey na kabilang sa isusulong ng administrasyon ang pagpapatibay sa grassroots sports development, higit sa mga lalawigan na napagkakaitan dahil sa tensiyon at kaguluhan.

“As I understand the marching order of the President, focus on the grassroots. We will just have to do it,” aniya.

Kabilang sa plano ang pagbuhay sa Mindanao Friendship Games at Bola Hindi Bala: Sports for Peace para sa mga kabataan tulad ng mga anak ng Moro International Liberation Front (MILF) fighters at National People’s Army (NPA).

“Sir Butch once said the athletes are the heart and soul of PSC. We need to enhance or strengthen existing programs for their welfare. Sa training, equipment dapat talaga ibigay sa kanila. We must see to it that PSC resources will really reach intended beneficiaries, the athletes,” pahayag ni Maxey.

Hindi nakunan ng pahayag si Kiram, ngunit, sa nakalipas na taon, puspusan ang gawain ng maybahay ng pumanaw na si Sultan Jamamul Kiram para maiangat ang katayuan ng pencat silat – isang uri ng martial arts sports na nagmula sa Mindanao.

Nakatakdang makipagpulong ang bagong PSC Board sa kanilang predecessor sa Martes para sa briefing and turn over.

(Edwin G. Rollon)