DEAR Boy Commute,

May dalawang taon at anim na buwan na akong retirado at may senior citizen card na, pero ni minsan ay hindi ko ginamit ang aking SC card para makakuha ng discount, at iba pang mga prebilehiyo.

Pakiramdam ko kasi ay mababawasan ang aking “machismo” kapag ginamit ko ang card na ito na nakikita kong buong pagmamalaki kung iwasiwas ng mga kagaya kong “amoy lupa” na raw.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Minsan akong napilitan na mag-commute mula sa Novaliches patungong Cubao para sa isang pagpupulong. Noong umagang iyon, nagising ako na wala ang aking sasakyan sa garahe dahil hiniram ng aking bunso.

Mula Quirino Highway, kaliwa ng Mindanao Avenue, diretso ng North Avenue patungong EDSA ay binuno ko ang hirap ng pagko-commute na hindi siyempre ginamit ang aking pagiging isang SC card holder. Kahit pa pagod na pagod, naiimbiyerna sa init, at nakikipagsiksikan sa bus na usad-pagong sa gitna ng trapiko, taas noo pa rin ako sa pagiging ordinaryong pasahero. Walang labasan ng SC card para maka-discount, mauna sa pila at makaupo.

Makaraan ang halos dalawang oras, nasa harapan na ako ng Farmers Plaza sa Cubao. Pawisan, ngalay ang tuhod, at nagdodobleng-tingin dahil sa sobrang gutom. Hindi kasi ako nakapag-almusal sa pagmamadaling makaalis ng bahay.

Agad akong pumasok sa isang tanyag na hamburger chain sa Farmers’ Plaza. Sa sobrang hilo, muntik na akong mawalan ng balanse. Mabuti na lang ay agad akong naalalayan ng isang service crew. Problema—ang haba ng pila at gutom na gutom na talaga ako.

Marahil dahil sa awa, nakangiti akong inakay ng service crew sa unahan ng counter, sabay bitaw sa kahera: “Paunahin na natin si lolo.” Hiningi ang aking SC card na agad ko naman iniabot na ‘di ko alam kung bakit. Kaya sa bilis ng pangyayari, ilang minuto lang ay nakuha na ang order ko, todo discount na inabot ng mahigit 30 porsiyento, at may pag-asiste pang kasama hanggang sa maupo ako.

Nang mga oras na iyon, damang-dama ko sa loob ng hamburger chain na ito, mula sa pagpasok hanggang sa paglabas, ang sarap palang maging isang senior citizen—na matagal ko ring ipinagkait sa aking sarili.

Ibinahagi ko itong munting kuwento dahil marami ang SC holder subalit hindi ito ginagamit. Sunggaban n’yo agad ang prebilehiyong ito at huwag palalampasin dahil ang sarap ng feeling.

Lubos na gumagalang, Lolo Dave V (ARIS R. ILAGAN)