Patay ang isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) makaraang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Guiwan, Zamboanga City, kamakalawa ng gabi.
Kaugnay nito, binuo ng Philippine National Police (PNP) ang Special Investigation Task Group para tumutok sa pagkamatay ng biktimang si Lt. Col. Cristobal Julian Paolo Perez, tubong Basilan, at residente ng Aurora Village, Bgy. Guiwan, Zamboanga City.
Ayon kay Senior Supt. Luisito Magnaye, director ng Zamboanga City Police Office, dakong 9:20 ng gabi nang mangyari ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima.
May kinakausap si Perez, deputy for administration ng First Infantry Division na nakabase sa Zamboanga del Sur, sa kanyang cell phone nang biglang dumating ang isang lalaki na sakay ng motorsiklo at pinaputukan siya nang malapitan.
Narinig ng pamilya ang mga putok kaya agad nilang pinuntahan ang kinaroroonan ng biktima bago ito isinugod sa isang ospital.
Namatay si Perez pagdating sa ospital, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Narekober ng pulisya ng mga basyo ng bala mula sa caliber .45 pistol na ginamit sa pagpatay sa biktima.
Sa inisyal na pagsisiyasat, kagagaling lang sa inuman ng biktima nang mangyari ang pamamaril. (Fer Taboy)