Muling ibabalik ng Philippine Basketball Association ang PBA Campus Tour bilang bahagi ng kanilang outreach program.

Nakatakdang simulan ang pagbabalik ng programa sa paghaharap ng Barangay Ginebra at Mahindra sa Arellano University sa Manila ngayon.

Maglalaban ang Kings at Enforcers sa isang tune-up match sa ganap na 1:00 ng hapon bilang panimula ng six-leg series na kinabibilangan ng pagdalaw sa Centro Escolar University, Arellano U-Pasig, Lyceum-Manila, at Tarlac State University.

Isang dating regular preseason event ng liga ang PBA Campus Tour na naglalapit sa mga PBA stars sa kanilang mga tagahanga, dahil binibigyan nito ng pagkakataon ang mga basketball fans na makasalamuha ang kanilang mga paboritong manlalaro.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

Nakatakda namang magharap ang Star Hotshots at Phoenix Fuel Masters sa CEU Gym sa Hunyo 22, bago ang pagtutuos ng Tropang TNT Texters at NLEX Road Warriors sa Arellano University-Pasig Gym sa Hunyo 24, kasunod ang tapatan ng Meralco Bolts at GlobalPort Batang Pier sa Lyceum-Manila sa Hunyo 29, at pinakahuli ang laban ng Rain or Shine Elasto Painters at ng Alaska Aces sa Tarlac State University sa Hulyo 2.

Samantala, hinahanapan pa ng venue ang laban ng San Miguel Beer at -Blackwater sa Hulyo 1.

Para sa mga koponan ng liga, ang series ay magsisilbi namang bahagi ng kanilang ginagawang paghahanda para sa darating na PBA Governors Cup na magbubukas sa Hulyo 15.

Ang season-ending tournament na nagtatampok sa mga regular imports -- may height ceiling na 6-foot-5, maliban para sa Mahindra at Blackwater na pinapayagang kumuha ng hanggang 6-foot-9 bukod pa ang optional na Asian recruit.

Kabilang sa mga import na magpapakitang-gilas sa third conference ay sina Paul Harris (Ginebra), Henry Walker (NLEX), James White (Mahindra), Jason Maxiell (TNT), Eric Dawson (Blackwater), AZ Reid (San Miguel), Marqus Blakely (Star), Allen Durham (Meralco), Dominic Sutton (GlobalPort), Dior Lowhorn (Rain or Shine), at LaDontae Henton (Alaska). (Marivic Awitan)