Isang 50-anyos na lalaki ang nasawi makaraang masagasaan ng isang 10-wheeler truck habang lulan ng kanyang bisikleta sa Paco, Manila, nitong Sabado ng gabi.
Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Gil Garcia, residente ng naturang lugar.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang truck driver na si Editho Paulin.
Sa salaysay ni Paulin, bumibiyahe siya patungong Pedro Gil Street, dakong 10:40 ng gabi nang makarinig siya nang ingay mula sa kanyang gulong.
Kaagad umano siyang huminto at tiningnan kung anong sanhi ng ingay at laking gulat nito nang makita ang duguang bangkay ng biktima at ang wasak na bisikleta nito.
Ang suspek ay nahaharap na sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. - Mary Ann Santiago