“Sana hindi siya nasaktan.”
Ito ang tanging hiling ng mag-asawang Bibiane at Edison Fontejon, magulang ni Bianca Fontejon na isa sa limang namatay sa Close Up Forever Summer concert sa SM Mall of Asia open grounds nitong Mayo 21.
“Napakahirap for a parent na ma-witness mo ang pagkamatay ng anak mo. The scene in the ER was very traumatic,” madadaming pahayag ni Bibiane hinggil sa mapait na sinapit ng kanilang 18-anyos na anak.
“It was very unbearable. Ang hirap i-describe. Ang hirap kasi nakikita pa rin namin siya sa isip namin pero pagkagising namin, wala na siya,” ayon naman kay Edison.
Nasaksihan nina Edison at Bibiane ang maraming kaibigan ni Bianca na nagpunta sa burol nito, karamihan ay humagulgol bilang patunay na marami ang nagmamahal sa dalagita.
“Humihingi kami ng tawad sa kanya. Sinabi ko na sa kanya sumama na siya kay Lord. We try to be strong kasi alam namin na ayaw niyang nakikita niya kaming malungkot,” dagdag ni Bibiane.
Sariwa pa kay Bibiane nang magpaalam sa kanya si Bianca upang dumalo sa concert at nangako itong hindi magpapagabi dahil may klase kinabukasan.
“Magkausap lang kami 8 in the evening, pero 2 a.m. nasa ER na kami. Naiisip ko, bakit wala akong mother instinct na ‘wag na siyang payagan,” giit ni Bibiane.
Ayon sa resulta ng autopsy at toxicology examination, may natagpuang bakas ng MDMA Methylyne Homolog and Synthetic Cathinone sa katawan ni Bianca.
Subalit naniniwala ang mga magulang ng biktima na wala sa bokabularyo ni Bianca ang paggamit ng ilegal na droga kaya hindi nila maisip kung paano nakapasok ang illegal substance sa katawan nito.
Ilang araw bago ang insidente, sinabi ni Bibiane na masaya ang disposisyon ng kanilang dalaga dahil ipinakilala na nito sa kanila ang boyfriend nito. (Argyll Cyrus B. Geducos)