Dalawang katao ang nasugatan matapos matupok ng apoy ang isang dalawang-palapag na gusali sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Supt. Jesus Fernandez, Quezon City fire marshal, ang mga sugatan na sina John Paul Mahusay at Andrew Palonia.
Nagtamo si Mahusay ng sugat sa ulo habang si Palonia ay may galos sa kanang kamay makaraang tumakas sa kanilang nasusunog na bahay.
Ayon sa imbestigasyon, sumiklab ang sunog dakong 7:53 ng gabi nitong Linggo sa No. 22, Kaingin 2, Area Ibaba, Barangay Pansol, Quezon City. Ang gusali ay pag-aari ni Bewel Yntas, 50 anyos.
Sinabi ni Fernandez na nagsimula ang sunog sa silid ni Irene Yntas sa ikalawang palapag ng gusali.
Anim na pamilya ang naapektuhan ng naturang sunog na naapula dakong 8:45 ng gabi. (Francis Wakefield)